Maaaring totoo nga na ang kahapon ay hindi na magbabalik pa ngunit ang anino naman nito sa pamamagitan ng gunita gamit ang mapaglarong isipan ay posibleng likhain ang larawan ng lumipas lalo pa’t ang buod ay ibayong kasayahan ng nagdaang kabataan.
Isa sa mga kinagigiliwan ng may-akda ay ang pagbalik-balikan sa alaala ang anyo ng Lawa ng Sampalok noong likas pa ang kanyang ganda, natural sa kung paano nalikha ng Poong Maykapal at ligtas pa sa kapangahasan ng tao. Ang kanyang kaanyuan na may malinis na tubig ay kasiya-siyang pagmasdan, lalo pa’t sa kalagitnaan ng lawa ay hihihip ang hanging amihan na marahang pinahahalik ang kanyang munting alon sa damuhan ng kanyang baybayin.
Sa malayo kung umuulan ay kaiga-igayang panoorin ang bawat butil ng tubig buhat sa alapaap, na parang sabik sa kanyang pagbabalik makaraang dalahin sa itaas sa pamamagitan ng alinsangan. Ramdam ng bawat nakakakita ang pagniniig ng ulan at malinis na tubig ng lawa.
Sa katag-arawan, ang tubig ng Lawang Sampalok ay animo’y kristal na ipinababanaag ang buhangin na kanyang nalililiman. Parang ipinasusukat ang kanyang lalim. Ito ang silbing anyaya sa akin at kapwa batang kalaro na parang himok ng kasiguruhan na ligtas at walang panganib na lumangoy at maligo.
Dahil sa angking ganda ng Sampalok lake ay hinandugan siya ng tao ng Hagdang Bato upang mas maraming makapunta at mamasdan ng malapitan. Ikinalugod ito ng lawa dahil naragdagan ang kanyang kaulayaw. Nagdugtong ito sa kanyang alamat kung kaya’t naging simbolo ang hagdanan ng Lunsod ng San Pablo.
Mas natuwa ang lawa ng ligiran ng daan ang kanyang baybayin. Siya’y naging bukambibig sapagkat lumitaw ang kanyang kariktan, naging pasyalan bawat oras, dinayo at naging libangan hanggang mapansin ng mga tampalasan. Siya’y inalila, inabuso at kinasangkapan sa hanapbuhay. Pinilit niyang makaganap ngunit may hangganan ang lahat.
Ngayong luray na ang aking Lawang Sampalok, tao kailan ka titigil? (SANDY BELARMINO/Baybayin ng Lawang Sampalok, Barangay V-A, Lunsod ng San Pablo)
Friday, November 21, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment