Tuesday, September 30, 2008

MATAGUMPAY NA FEEDING PROGRAM

San Pablo City – Bakas na ang positibong resulta sa isinagawang six-month feeding program ng City Population Office at POPCOM sa mga malnourished children ng Brgy. San Antonio Balanga dito na nakatakdang magwakas sa Oktubre 4.


Sa pakikipagtulungan ng Rotary Club of Makati, Kabisig ng Kalahi at Lactum Milk ay naging kapansin-pansin ang pagtaas ng timbang ng 30 batang isinailalim sa naturang programa. Bukod dito ay sumigla ang mga ito kumpara noong hindi pa sila nabibilang sa araw-araw na feeding schedule.

Inilunsad ang programa noong Marso sa pangunguna nina DSWD Regional Nutritionist Prescy Escalante, Rotarian Federico Borromeo, Kabisig head convenor Victoria Wieneke at ng pamunuan ng barangay.

Kinapalooban ito ng pagmumulat sa mga magulang sa kahalagahan ng wastong nutrisyon sa mga batang malnourish at ang magagawa ng balanseng pagkain upang ang mga ito ay maging malusog.

Ang pondong ginamit sa feeding program ay kaloob ng mga samahang nabanggit na ipinadadala kay Brgy. Chairman Javier Icaro kada buwan bilang panustos sa naka-programang food intake ng mga malnourished children.(NANI CORTEZ)

No comments: