May mga habilin ang bawat tala ng kasaysayan sa ginawang pagpapakasakit ng ating mga bayaning nangabuwal sa gitna ng karimlan sanhi ng kanilang ipinag-labang katwiran upang sa liwanag isilang ang mga saling lahi ng kanyang bayan.
Anlahoy, anlahoy, anlahoy! Ang alaalang ito ng mga bayani ang nagbibigay tanglaw sa landas na ating tinatahak sa buhay sa pangkasalukuyan, na nakapanglulumo nga lamang sapagkat katumbas ng banaag sa bawat silahis ang gunita ng pighati, pait ng luha at hapdi ng sugat ng lupaypay na karanasan ng ating Inang Bayan na pawang tinubos sa pag-aalay ng buhay ng ating mga bayaning magigiting.
Walastik! Walang pag-aatubili ang mga bayani nang pawiin ang dalamhati, tinuyo ang luha at ginamot ang kirot ng bayan natin na bihag sa pagka-busabos kapalit ang dugong natigis sa lupang tinubuan. Dinilig nito ang pag-usbong ng pag-asa upang makamit ang iniwang pamana – “… na walang magiging alipin sa bayang ayaw paalipin.”
Ala eh, hanggang sa huling sandali ng hibla ng kanilang buhay, ang ating mga bayani ay hindi yumuko sa mananakop magpakaylan man, hanggang huling bagting ng hininga ay pilit tinapos ang pagpanday sa iiwanang pamana at hanggang sa huling pagpikit ng mga mata’y dalisay na pag-ibig sa kaisa-isang bayan ang laman ng puso’t isipan.
Ano pa’t natanggap ng mga naiwan ang pamana, lumaganap ang pag-ibig at taas noong ibinandila ang pagka-Pilipino na gumulantang sa mga mapang-api sapagkat hindi nila akalain na ang paos na tinig ng lahing kayumanggi ay lumikha ng nakabibinging sigaw, na nagkalas sa gapos ng pagka-alipin, na kasunod ang pag-gising ng bayan kong giliw.
Salamat sa habilin, salamat sa alaala at salamat sa pamanang ilaw ng mga namayapa nang mga bayani sapagkat ngayo’y tuyo na ang luha ng bayan kong mahal.(SANDY BELARMINO)
Saturday, August 30, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment