Tuesday, July 8, 2008

PGMA, IPINAG-UTOS NA KALINGAIN ANG MGA NASALANTA SA REHIYON

Camp Vicente Lim - Tumuon sa pagbabangon ng pangkabuhayang kalagayan at pagpapakumpuni sa mga nasirang tahanan ng mga biktima sanhi ng bagyong Frank ang naging buod ng pagbisita ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, makaraang malaman sa Regional Disaster Coordinating Council (RDCC 4A) ang lawak ng pinsalang idinulot ng naturang kalamidad sa rehiyon.

Nabatid ng pangulo batay sa briefing na isinagawa ni P/C Supt. Ricardo Padilla, Calabarzon PNP Chief, at tagapangasiwa ng RDCC 4A na sa 12 siyudad at 130 minisipalidad ng rehiyon ay 10 lunsod at 73 munisipyo ang naging apektado na kinapapalooban ng 998 barangay, 104,406 pamilya o 512,656 katao kung saan 37 ang nasaktan, 17 ang nasawi at dalawa ang nawawala pa sa kasalukuyan.

Ang pinsala sa agrikultura ay P448 milyon at sa mga inprastraktura ay P22 Bilyong piso. Malaking bahagi ng rehiyon ang apektado subalit ang maagap na pagkilos ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensya sa ilalim ng RDCC 4A ay naging malaking tulong upang maibsan ang naranasang hirap ng mga biktima, tulad ng pagkakaligtas sa 28 pasahero ng lumubog na MV Princess of the Stars sa baybayin ng Quezon.

Kasalukuyang tinutugunan na ng Kagawaran ng Pagsasaka at DPWH ang mga naturang suliranin.

Nakatawag pansin sa pangulo ang kalalagayan ng mga mangingisda sa Infanta, Quezon, kung saan 50,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyong nagdaan. Dahil dito ay agaran niyang ipinag-utos sa BFAR (Bureau of Fisheries & Aquatic Resources) ang pamamahagi ng lambat at bangka upang ang mga ito ay madaling makabangon.

Tinagubilinan rin ng pangulo ang Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) na madaliin ang pag-aaral sa lupang sakop nito na posibleng pagtayuan ng mga permanenteng tahanan na mapaglilikasan ng mga pamilyang nawalan ng tahanan.

Pumangalawa sa Quezon ang Cavite sa dami ng pamilyang napinsala ng bagyong Frank na may 40,645, Laguna 7,157, Rizal 3,855 at Batangas 2,523. (NANI CORTEZ)

No comments: