Sunday, June 29, 2008

ISANG TAON NA PO SILA

Parang kailan lamang, na marahil ay hindi namamalayan ng marami sa atin, nang simulang umugit sa tungkulin ang mga nagsipagwagi sa midterm elections noong Mayo 2007, ngayon ang kanilang ika-isang taon sapul ng manumpa at umupo sa trono ng katungkulan.

Ang tanong ay nasaan sila makaraan ang unang taon at saan tayo pinulot matapos magpasya kung sino ang mamumuno sa pamamagitan ng balota? Ang unang taon ba natin sa ilalim ng kanilang pangangasiwa ay naging kabagot-bagot, kawili-wili o naging kapanapanabik? Sino ang nagkulang, sila o tayo? At sa malapit na pag-uugnay ay sino ang higit na nagkamali, ang inihalal o ang naghalal?

Nakatitiyak na iba’t-ibang reaksyon ang makakalap dito sapagka’t ang inihalal natin noong midterm elections ay 12 senador, isang congressman, gobernador at bise-gobernador, 2 0 3 board member, isang mayor at vice-mayor, 10 konsehal at isang party list representative para sa mababang kapulungan. Sa kanilang hanay ay nasisiguro ng pitak na ito na may tumupad sa kanilang mandato, at ang iba’y hindi man masasabing nag-walanghiya ay tinimbang ngunit kulang.

Nananatiling mataas ang pagpapahalaga ng taumbayan sa senado, na ibig lang sabihin ay naipagkaloob ng mga senador ang serbisyong kanilang ipinangako. Ikinatuwa ng bayan ang ginawa nilang pagmamatyag laban sa pang-aabuso. Sa pagitan ng pagbalangkas ng mga batas ay sila ang naging matang lawin na tagabantay sa kayamanan ng bansa bagama’t may ilan sa mga ito ang mistulang color blind sa pangungurakot ng mga “kapak-ners” nila. Ang mga ito ay kilala ng bayan, ngunit sa kabuuan ay performer ang senado.

Sa mababang kapulungan ay naku po, Susmaryusep!! Ang kongreso kung ito ay isang produkto ay walang bibili kahit iyong i-bargain sale. Sari-saring interes ang kanilang ipinaglalaban na karaniwang pangsarili lamang. Dito pa lang ay bagsak na sila kaya hindi sila pinapansin sa mga pamilihan. Ito rin lang ang kapulungang hirap na hirap makabuo ng QUORUM sa dami ng umaabsent sa sesyon. Daig pa sila ng mga grade 1 sa elementary na takot umabsent. Kahit itanong mo kay MAM.

Ano pa’t iba-iba ang nararanasan sa bawat probinsya. May mga gobernador na nagdi-deliver at may naglalako ng pagkakalat. Kaya nga lang ay paper bag na may lamang pera ang idinideliber at hindi pagsi-serbisyo sa bayan. Meron din namang matitino tulad nina Gob. Panlillo at Mendoza na umamin agad at hindi tumatanggi. Sa mga Sangguniang Panglalawigan ay medyo may kabagalan ang lehislasyon ngayon na nakakaantala sa mga proyektong pambayan.

Higit na malawak subalit mas madaling tantiyahin ang mga alkalde, bise-alkalde at mga konsehales kung sila’y tumupad sa kanilang plataporma de gobyerno sa panahon ng kampanya. Batid ng taumbayan ang mga may sigasig at kung sino ang ningas kugon sa mga ito. Isa’t dalawa lang ang mga bagay na ito, ang ikaw ay mainip sa pagsapit ng 2010 election upang mapalitan ang mga lumihis sa kanilang pangako o kuntento ka na dahil nadadama mo ang malasakit ng tunay na lingkod bayan ng tulad ng sa Lunsod ng San Pablo.(SANDY BELARMINO)

No comments: