Kasama sa pagsulong ng panahon, sa pagbabago ng antas ng ating katayuan ay ay may nakagisnan tayong unti-unti nang naglalaho lalo na sa palakasan na tuwing sasapit ang bakasyon ay naging karaniwang tanawin noon.
Dala ng nasabing pagbabago ang pag-agaw sa atin ng mga dating libangan sa larangan ng sports na diti-rati’y bahagi ng ating pag-ani ng gulang buhat sa kamusmusan. Noon sa pag-inog n gating buhay ay pinagdadaanang lahat ang mga larong ito, na sa ngayon ay may mangilan-ngilan pa ring kabataang nagtatangkang ang mga ito ay mapanumbalik.
Sino ba naman sa ngayon ay nasa katanghaliang gulang ang makalilimot sa mga larong naging bahagi ng kanilang pagtanda? Nandiyan pa rin naman ang mga ito ngunit unti-unti nang nawawala. May nakikita pa tayong mga paslit na naglalaro ng “sikyo” subalit bihira na tayong makakita ng “nagtu-tumbang preso”.
Malaki ang kinalaman ng kaunlaran sa dahan-dahang pagkawala ng mga kahalintulad na palakasan sa ating paligid. Ang tumbang preso na karaniwang nilalaro ng mga paslit at kabinataan sa gitna ng karsadang mga kalesa lang at kariton ang nagdadaan. Sa pagdami ng mga sasakyan ay tuluyan na nilang binawi ang palaruang ito, nawalan tayo ng ispasyo at binura ang ating playing fields.
Hindi lang mga paslit ang naapektuhan ng pagsulong dahil kahit ang mga matured sports ay hindi rin nakaligtas dito. Sa tuwing bakasyon noon ay libangan na ng buong bayan ang panonood ng baseball o softball sa mga barangay. Ang mga bakanteng lote na palaruan ay unti-unting pinagtayuan ng mga tahanan o ginawang lugar ng mga pagawaan. Bagama’t nandoon pa rin ang pagkahumaling sa mga nabanggit na sport ay ang pagkawala ng playground ang nagdidikta upang ito ay ating malimutan.
May mga panoorin sa mga piyesta ng bawat nayon ang mga naglaho na rin. Wala na tayong mapanood na “Juego de Anillo” na nilalaro ng mga nakasakay sa matuling na tumatakbong kabayo na habang kabilisan ay tutuhugin ang mga nakabiting singsing na daraanan. Bawat singsing na makuha ay may katapat na premyo. Iilan na lang ang may mga kabayo sa ngayon, at wala na ring ispasyo para sa palarong ito.
Ang mga laro na nangangailangan ng malawak na palaruan ay nahalinlan ng mga indoor sports tulad ng Volleyball, Basketball, Bowling, Tennis at iba pang kahalintulad. Maging ang tinatawag na pambarakong sport na bilyar ay napatanyag at ngayo’y kinikilala na ng olimpyada.
Samantala ang marami sa ating mga kabataan ay nahumaling sa makabagong handog ng teknolohiya na dala ng computers at naging mental exercise ang dating mga physical games. Dala ito ng kaunlaran ngunit nakapanghihinayang sapagka’t napapagkaitan ang ating mga kabataan ng saya ng katutubong sports na ating naranasan. (SANDY BELARMINO)
Wednesday, May 14, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment