Wednesday, December 31, 2008
PINOY, BUHAY ANG PAG-ASA
Halos pito sa bawat sampung Pinoy ang naniniwalang masaya ang paskong darating sa kanila sa pag-aaral na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) bago sumapit ang yuletide season. Ang apirmatibong resulta ng survey ay nakatutuwa sapagkat sa kabila ng maraming kasalatan sa buhay ay naging positibo pa rin ang isinasaisip ng bawat mamamayan.
Sinasabi ng mga dalubhasa na kapag may positibong pagtingin ang tao sa isang bagay ay ito ay nag-aambag ng malaki upang ang isang nilalang ay magsikap, na kadalasa’y nagpapagaan sa kanilang dalahin gaano man ito kabigat. Ganito ang naging kapalaran ng pito sa bawat sampu na kaya nilang sumaya sa araw ng pasko.
Sa isang banda ay ano naman kaya ang kinahinatnan ng tatlong negatibo? Marahil ay tulad ng kanilang inaasahan na hindi nila kayang sumaya’t lumigaya sa araw ng pasko, na natanim sa kanilang paniniwala ay kalungkutan ang kanilang kinasapitan. Malamang ito kaysa sa hindi.
Subalit tila natuto na rin ang karamihan sapagkat sa pinakahuling pag-aaral ng Pulse Asia ay 92% ng mga Pinoy ang umaasang may posibilidad na gumanda ang takbo ng kanilang buhay sa taong 2009, kumpara sa 8% na may kabaligtarang paniniwala. Ito ay isang napakagandang resulta sapagkat ang kahulugan nito’y 92 sa bawa 100 katao ang buhay na buhay ang pag-asa.
Malaking tulong ito bilang panuntunan nating mga Pilipino, dahil tanging ang pag-asa ang nagpapagalaw sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Ang pag-asa ay may kakaibang motibasyon sa ating adhikain at pangarapin sa buhay sapagkat ito ang nagsisilbing kadluan ng sigla kung kaya nga’t napaglalabanan natin ang alin mang unos.
Sa kasukdulan ay motibasyon ang nagbibigay lakas sa tao upang maging matatag na parang punong kawayan, na bagama’t humahapay sa bugso ng hangin ay madaling nakababalik sa kanyang pagkakatayo. Ito ang simbolo ng lahing kayumanggi na hindi basta-basta sumusuko, na siyang angking katangian nating mga Pinoy.
Kaya’t mangarap ka Pinoy at buong tatag na ito’y isakatuparan sa pamamagitan ng pagsisikap. Panatilihin mong buhay ang pag-asa dahil ito ang tanging sandata na maipanlalaban mo sa anumang krisis. Ipamalas mo sa mundo na handang-handa ka, Pinoy. (NANI CORTEZ/Pres. Seven Lakes Press Corps)
IKA-113 TAON NG PAGKA-MARTIR NI RIZAL
Monday, December 29, 2008
PADILLA OUT, PALAD IN
COCOFEST IKINASA NA
Kagabi ay sinimulan na ang talent night ng mga kalahok sa Lakan at Mutya ’09 Beauty Pageant bilang tampok sa nasabing pestibal. Muli ay gaganapin ang pre-pageant sa Enero a tres at makaraan nito ay coronation night sa City Plaza main stage, kung saan ay pipiliin ang magwawaging Lakan at Mutya ng San Pablo, Ginoo at Binibining San Pablo at Mr. & Ms. Cocofest 2009.
Ang Cocofest proper ay magsisimula Enero 8 na katatampukan ng Coco Trade Fair, Food and Beer Plaza, Coco Sport Fest at Cook Fest kaalinsabay ng gabi-gabing pagtatanghal tulad ng Battle of the Bands at mga palabas ng mga kilalang artista’t mang-aawit ng bansa.
Inaasahang dadayuhin ng mga turista ang Street Dancing Competition sa Enero 13 na taon-taong pinanonood ng mga domestic at foreign tourist, na susundan ng float parade sa Enero 14. Kapwa motiff ng nasabing okasyon ang kasuotang nagbuhat sa puno at bunga ng niyog.
Dahil ang Cocofest ay kinikilala ng Dept. of Tourism bilang isang tourist event sa Lalawigan ng Laguna ay ipinag-utos ni City Administrator Loreto S. Amante sa City Tourism Office na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang masiguro ang tagumpay ng naturang pestibal. (Nani Cortez)
Sunday, December 28, 2008
ABC PRES. GBA, NAKISAYA SA CHRISTMAS PARTY NG LUNSOD
PASKUHAN SA BRGY. SAN JOSE
CIO at LCR, NAKAMIT ANG UNANG KARANGALAN
Pablo. Labinglimang mga pinagsama-samang tanggapan ng Lokal na pamahalaan ng lunsod na ito ang naging kalahok sa pagdiriwang na ito at nasaksihan ang pagkakaisa ng lahat ng tanggapan ng lunsod na nagdulot ng lubos na kasiyahan sa panahon ng kapaskuhan at sa administrasyon ni Mayor Vicente B. Amante. (SANDY BELARMINO)
Saturday, December 27, 2008
MAGING KAPITA-PITAGANG KRISTIYANO
Hindi naging hadlang ang kahirapan ng buhay sa ating mga kababayan upang minsan pa’y gunitain ang pakumbabang pamumuhay simula sa Kanyang pagsilang hanggang maging ganap ang ating katubusan. Kung bakit pinili ng Panginoon ang kasimplehan ay maaaninaw sa Kanyang Ebanghelyo noong Siya’y kasalukuyang nangangaral dito sa panandaliang mundo.
At kung bakit iniwasan Niya ang karangyaan sa kabila ng Siya ang Hari ng mga Hari ay sapagkat nais Niyang ipamalas sa sanglibutan na sa ganoong kaparaanan lamang magkakaroon ng katuparan ang naisin ng Amang nasa sa Langit. Sumpa ng pagpapakasakit ang katawagan dito.
Kaya nga’t tuwing araw ng Pasko, bagama’t may nakagisnan tayong marangyang pagdiriwang dala ng mga nagpalaganap ng Kristiyanismo sa ating bansa, ay hindi nagiging sagwil ang kahirapan upang damhin ang espiritu nito. Kadalasan pa’y higit na masaya ang sektor ng mga mahihirap kaysa sa mga nakaririwasa.
Ito’y dahilan sa nilikha ng Diyos ang mga mahihirap na Kanyang kawangis. Tulad Niya ang mga mahihirap ay hindi mapaghanap ng labis sa kanilang mga pangangailangan, tulad Niya’y ang mga mahihirap ay nalalang para maglingkod sa Ama at tulad Niya’y ang mga mahihirap ay handang magpakasakit alang-alang sa ikaluluwalhati ng Diyos na nasa Langit.
Sa anu’t ano pa man ay sana’y ang natamo nating biyaya sa Banal na Araw ng Kanyang kapanganakan ay lagi nating alalahanin sa pang-araw-araw nating buhay. Ito sana ang lalong magpatibay sa ating pananampalataya, na sa panahon ng mga nagdaraang krisis ay hindi tayo Niya pinababayaan, na nandiyan Siya tuwina upang pagaanin ang ating dalahin at patuloy tayong sinusubaybayan upang gampanan ang Kanyang katuturan bilang Tagapagligtas.
Ano pa’t bilang ganti sa ganap na pagkatubos ay humayo tayo sa itinuro Niyang matuwid na landasin na may pagpapakumbaba at mamuhay ayon sa banal Niyang layunin bilang tao at Kapita-pitagang Kristiyano.(SANDY BELARMINO)
Friday, December 26, 2008
TUNAY NA SERBISYO PUBLIKO, HINDI PAMUMULITIKA
Ipinahayag din ni Alkalde Amante ang kanyang paniniwala at pananaw na: “Ang isang lingkod-bayan ay dapat at nararapat na maging transparent o lantad at hindi nangingiming harapin at ipaliwanag sa taumbayan ang mga isyung bayan na lumulutang, ito man ay kapani-paniwala o hindi. Karapatan ng mga San Pableño na marinig ang paliwanag at panig ng bawat isang public servant sapagkat ang taumbayan ang nagluklok sa amin at pati sa mga taong itinatalaga namin na pinasusweldo ng lunsod”.
Habang sinusulat ang balitang ito ay limang (5) sunod-sunod na adjournment ng regular session ng Sangguniang Panlunsod (SP) dahil sa kawalan ng korum ang naitala ng naturang tanggapan at nagdulot ito ng malaking kapinsalaan sa dapat mapasulong na mga ordinansa at resolusyon. Nakabinbin din ang pagpapasa sa Proposed Annual Executive Budget para sa taong 2009 na maaaring makaapekto sa mga proyekto at programa ng Administrasyong Amante.
Sa limang termino ni Amante ay higit siyanng nakilala sa hayagang pagharap sa mga isyu at suliranin ng lunsod na nagbunga ng maganda at epektibong ugnayan ng kanyang tanggapan at ng 80 barangay ng lunsod.
“Hindi sapat ang mga papogi at pa-cute para lang matandaan ng ating mga kababayan na iniluklok nila kami sa katungkulan. Nararapat na bawat segundo, bawat minuto, kada oras, 7 araw kada linggo, bawat buwan at bawat taon ay ang laging nasa puso at isipan ay ang paglilingkod ng buong kasipagan at katapatan. Iwasan na ang pamumulika lalo na’t sasapit ang bagong taon. Tunay na serbisyong publiko ang hinihintay ng San Pablo City at hindi ang pamumulitika”, pagtatapos ni Amante. (SANDY BELARMINO)
Thursday, December 25, 2008
LIKE FATHER, LIKE DAUGHTER
Wednesday, December 24, 2008
BELARMINO ET AL., KINILALA NG LUNSOD
ANG MGA PILING MAG-AARAL NG SPCSHS
NEW PNP REGIONAL DIRECTOR ASSUMES OFFICE
PALAD, Batch mate of retired PCSUPT PADILLA PMA Class ’77, is the 43rd Commander of the unit which traces its roots to the post WWII era 2nd Philippine Constabulary Zone.
Finally, PALAD warned criminal elements that his leadership means business and strongly cautioned them that the Armed Forces and the Police will work hand in hand in combating lawlessness and terrorism. They must stop or face the full force of the law.
Saturday, December 20, 2008
ELVIS PRESLEY NG SAN PABLO CITY
YUGYUGAN SA CITY HALL NI PABLO'Y
Friday, December 19, 2008
MGA SAN PABLEÑO, LUGI NG P2-M SA SP
Batay sa record ng Sangguniang Secretariat ay walang naganap na regular session sa mga petsang Nobyembre 25, Disyembre 2, 9 at 16 taong kasalukuyan na nag-ugat sa pagliban at pagbalewala ng mga konsehal sa kanilang mga sinumpaang tungkulin. Ito ay nagdulot sa pagkakabinbin ng Proposed Annual Executive Budget para sa taong 2009 at pagkalugi ng P2-Milyong piso para sa taumbayan.
Ang annual budget ng lunsod ay karaniwan nang tinatalakay sa mga nasabing panahon upang ganap na mapagtibay bago matapos ang taon. Napag-alamang hindi ito umusad sapagkat halos wala man lamang nagaganap na budget hearing ang komitibang naatasan hinggil dito na pinamumunuan ni Kon. Jojo Biglete bilang chairman at Kon. Abi Yu bilang vice-chairman.
Nabatid na ang kawalang aksyon ng SP ay repleksyon sa liderato ni Vice-Mayor Martin A. Ilagan na bukod sa nagdulot ng pinsala sa mga mahahalagang lehislasyon ay naging sanhi sa pagka-lugi ng P2-milyon piso sa kabang-yaman ng lunsod.
Sa ngayon ang SP ay may taunang budget na P25-milyon na kinapapalooban ng suweldo at benepisyo ng vice-mayor, 12 konsehal, 89 regular at co-terminus na kawani at humigit kumulang na 40 kaswal na empleyado. Suma-total nito ay P2-milyong pagkalugi ng taumbayan katumbas ng apat na linggong walang sesyon. (Sandy Belarmino)
Monday, December 15, 2008
HOLIDAY SEASON, PINAGHAHANDAAN NG CHO AT OSWD
Itinatagang Team Leader si Dr. Lucy Celino para sa Medicolegal examination and disease outbreak control, at si Dra. Ma. Victoria L. Guia para sa Child Abuse Prevention and Intervention Network (CAPIN) na katuwang niya si Social Work Officer Rolando Cabrera ng City Social Welfare and Development Office. May kinatawan din dito ang San Pablo City Police Station.
Nabanggit ni Dra. Marivic Guia na sina Bb. Filipina Catipon, Corazon Musicat at Genoveva Martinez ang bumubuo ng Surveillance and Disease Outbreak Control, at may mga sasakyan, kasama na ang mga ambulansiya ng pangasiwaang lunsod na nakatalaga para sa kanilang disposisyon para maging epektibo ang kanilang pagkilos at pagkakaloob ng mga pangkagipitang tulong ngayong panahon ng kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.
Samantala, isang maikling pakikipanayam kay Chief of Police Joel C. Pernito, kanyang simpleng binanggit na gising-na-gising ang kapulisan sa panahon ng holiday season upang ang mamamayan ay mapayapang maisagawa ang pagdiriwang, upang ang mga pagod na manggagawa na sasamantalahin ang ilang araw na bakasyon ay makapamahinga ay magkaroon ng kapanatagan samantalang sila ay mahimbing na natutulog sa kanilang mga tahanan. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)
Friday, December 12, 2008
TENYENTE AVIQUIVIL, OUTSTANDING ROLP MEMBER SA TAONG 2008
Si tenyente Aviquivil ay aktibong miyembro ng ROLP Laguna and San Pablo City Chapter at laging nagiging kaagapay sa mga proyekto at programang isinasagawa ng naturang asosasyon na isinusulong sa Lunsod na ito at sa kalakhang Lalawigan ng Laguna.
Itinaon ang pagkilala at pagpaparangalan kay Aviquivil sa ika-55 Pambansang Kombensyon ng ROLP noong nakaraang December 6, 2008, sa AFPRESCOM Bldg., Kampo Emilio Aguinaldo, Lunsod ng Quezon.
Sina Major Gen. Reu Lucio G. Samaco DCSRRFD, J9, Col. Edilberto Dorinila, JSC PA (Res.) , Col. Robert Theodore S. Romero, PAF(Res.) at ROLP National President Col. Andrew C, Nocon PAF (Res.) ang ilan sa mga dumalo at kumilala sa kasipagan at pagpupunyagi ni Aviquivil. Dumalo rin sa naturang okasyon ang anak ni tenyente Aviquivil na si Capt. Anthony V. Aviquivil, PAF, na siyang outstanding Philippine Military Academy Graduate noong taong 2000, SANGHAYA Class. (Jonathan Aningalan/CIO)
Thursday, December 11, 2008
LT. AVIQUIVIL- 2008 MOST OUTSTANDING ROLP MEMBER
Monday, December 8, 2008
SA MATAGAL NA ISYU NG SEDERA: ILANG KONSEHALES SA SAN PABLO, MAY KINATATAKUTAN NGA BA?
Nauna na rito, kumalat ang bulung-bulungan sa paligid ng kapitolyo na may pasasabunging isyu umano si Konsehal Danilo “D.Y.” Yang na siyang pinaniniwalaang dahilan kung bakit umiwas ang mga diumano’y sangkot dito. Naging kapansin-pansin na marami ang umakyat sa ika-walong palapag ng Bagong Kapitolyo kung saan naroon ang Bulwagan ng Sangguniang Panlunsod upang makinig ng sesyon noong Nobyembre 25.
Hindi natuloy ang naturang sesyon dahil anim lang sa 12 konsehales ang dumalo, kabilang dito sina Ellen T. Reyes, Arsenio A. Escudero, Pamboy C. Lopez, Dante B. Amante, Leopoldo M. Colago at Danny R. Yang. Muling hindi natuloy ang sesyon ng sumunod na Martes, Disyembre 2, dahil kulang na naman ang bilang ng mga konsehales.
Matatandaan na noong nakaraang Enero 17 ng taong kasalukuyan, isang malayang pamamahayag (privileged speech) ang binigkas ni Kon. Danny Yang sa bulwagan ng Sanggunian na humihingi ng paliwanag sa mga kasamahang konsehal hinggil sa tinagurian niyang “baak-baak” ng ilang konsehal sa salaping “idinilig” diumano ng isang Erik Kaligayahan na siyang naging dahilan upang magsulputan ang mga “cedera” sa paligid ng kapitolyo at “sa mismong pusod ng ating kalunsuran”.
Hiniling din niya noon sa Sanggunian na magsagawa ng isang malalimang imbestigasyon dahilan sa ang nakataya aniya ay dignidad at integridad ng Sangguniang Panlunsod ng San Pablo. Ang kahilingang imbestigasyon ay hindi nagkaroon ng katuparan sa hindi malamang kadahilanan.
Ang pagkaantala ng mga sesyon ng magkakasunod ay isang manipestasyon na may mga sangkot na konsehal sa nasabing isyu, ayon sa mga tagamasid.
Kaugnay ng pangyayaring ito, nagpahayag ng pagkadismaya ang maraming mamamayan dahilan sa anila’y katamaran at kawalang-pakialam ng mga konsehales na dapat ay naglilingkod sa kanilang mga kababayan.
Habang sinusulat ito, hindi pa nakukuha ang panig ni Vice Mayor Martin Ambray- Ilagan na siyang Presiding Officer sa Sanggunian gayon ang mga konsehal na ang karamihan ay naka-leave. (MEL B. EVANGELISTA mula sa ulat ni Sandy Belarmino, 7LPC, LAGUNA COURIER Vol. XII No. 45, Dec. 8-14, 2008)
Friday, December 5, 2008
PUREGOLD TO INVADE SAN PABLO BY STORM
SEN. VILLAR MEDICAL MISSION
Monday, December 1, 2008
YOUNG ESSAYISTS
Friday, November 28, 2008
ANG MENSAHE NG MGA PAROL
Binabati natin ang kabuuan ng City Health Office mula kay Dr. Job D. Brion hanggang sa kaliit-liitang field personnel nito sa ganitong makabuluhang pagsusulong, na lingid sa lahat ay nakapag-iwan ng mahalagang mensahe sa pitak na ito sapagkat ang ginamit na materyales sa bawat parol ay mga recycled na gamit na kung walang inobasyon ang isang nilalang ay itatapon na lamang sa basurahan.
Hindi na sinubukang alamin ng pitak na ito kung sino ang nanalo dahil sa aking isipan ay pawang nagwagi na ang lahat ng kalahok. Marahil ang unang dahilan ay ang paghanga sa pagkamalikhain ng bawat isa sa pagbuo ng parol na halos walang ginastos ngunit naipararating pa rin ang diwa ng kapaskuhan. Sa panahong ito ng mga pagsubok sa ating ekonomiya ay ito ang ating kailangang gawin.
Maaari na’y pwede pa pala tayong magdiwang ng Pasko sa likod ng mga simpleng bagay sa ating paligid. Walang binago kundi ang disiplinahin ang ating sarili sa pagtitipid upang makaangkop sa hinihingi ng panahon, ngunit pareho pa ring nandoon ang ispiritu ng kapaskuhan.
Ang mensahe ay hindi kinakailangan ang rangya upang matamo ang tunay na kasiyahan sapagkat kung paano nagpakumbaba si Hesukristo nang Siya’y isilang ay ito na ang tampok na rurok sa nais Niyang iparating. Na ang ibig sabihin ay hindi lang salapi ang susi upang ang tao ay lumigaya.
Hinatulan ng mga inampalan ang bawat parol sang-ayon sa ipinaabot na mensahe na pinakamalapit sa tema at ang mga nagwagi ay ang mga nagbigay ng malinaw na pamamaraan upang maiwasan ang AIDS, sa ilalim ng basehang tugma sa layunin ng kampanya. Bukod dito ay nararapat din sana silang kilalanin, kabilang na ang mga hindi nagwagi sapagkat nabigyang halaga nila ang mga bagay na wala nang katuturan at higit sa lahat ay binuksan nila ang ating isipan na huwag bigyan ng pagkakataon ang lungkot sa ating buhay. (SANDY BELARMINO)
Sunday, November 23, 2008
BEAUTIFICATION NG CITY PLAZA AT MOBILE SOUVENIR SHOP, PREMYONG NATANGGAP NG LUNSOD MULA SA ANILAG 2007
Ang landscaping ng city plaza at pagkakaroon ng isang multi-cab bilang isang mobile souvenir shop ay mula sa P500,000.00 worth of projects na premyong natanggap ng lunsod mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pamumuno ni Gob. Teresita Lazaro.
Lubos na pasasalamat namang tinanggap ni Mayor Vicente Amante at City Administrator Loreto Amante ang mga nabanggit na proyekto bilang premyo ng lunsod sa pagiging 3rd place sa float competition nuong nakaraang Anilag 2007.
Ang landscaping ay isinagawa ng Forest Wood Garden na matatagpuan sa Brgy. San Francisco, lunsod na ito. Mahigit sa 7,000 halaman ang itinanim sa may 10 islands na binubuo ng Spada, White Angel, Blodedred, Golden Lily, Pandanus, at Pokien Tea Topiary. Makikita din dito ang 7 Handcarved Woods kung saan nakaukit ang pangalan ng 7 lawa ng lunsod.
Magsisilbi namang isang mobile souvenir shop ang multi-cab kung saan maaaring maglagay at magdisplay ng iba’t-ibang produkto ng lunsod, partikular ang mga coconut products. Ito ay upang makabili naman ng mga pasalubong at mga souvenir items ang mga local at foreign tourists na nabisita sa lunsod. Ang nasabing multi-cab ay under supervision ng City Tourism Office sa ilalim ng pamumuno ni Exec. Asst. at Tourism Officer-in-Charge Edwin Magcase. (CIO-SPC)
ALTERNATIBONG HANAPBUHAY NG LLDA SA LAGUNA
Naging bahagi sa naturang konsultasyon ang Tanggapan ni City Mayor Vicente B. Amante, Cenro, Tourism Council, Friends of Seven Lakes Foundation, OSAD, M2K, Farm-C, PNP, AFP at iba’t-iba pang NGO. Ang talakayan ay isinulong ni Arvin Carandang na isang mamamahayag at environmentalist.
Napag-alaman sa talakayan na ang bumababang kalidad ng tubig ang nagiging sanhi ng mahinang ani ng isda sa lawa at nagbuhat sa mga basura ng illegal settlers sa lugar. Dahil dito ay napagkasunduan na magkaroon ng 4 hanggang 5 metrong easement sa mga baybayin kung saan ipagbabawal na pagtayuan ng anumang istraktura.
Habang nilulutas ang suliranin ay sinang-ayunan ni City Administrator Loreto “Amben” Amante ang mungkahi ni Manda na Seven Lakes Diversity Program on Eco-Tourism.
Hinikayat din ni Manda sa mga apektado na samantalahin ang programa ng LLDA ukol sa pagtatanim ng kawayan sa bakanteng bahagi sa gilid ng lawa. Sa ilalim ng programa ay sasanayin ng nasabing ahensya ang mga mangingisda ng tatlong araw upang ituro ang teknolohiya sa pagpapatubo ng kawayan.
Inisa-isa pa ng LLDA general manager ang pakinabang sa kawayan na bukod, sa nakatutulong na sa watershed protection, eco-tourism ay mapagkukunan din ng pagkain at ornamental para karagdagang hanapbuhay.
Sa kasalukuyan ayon pa kay Manda ay hindi matugunan ng LLDA ang demand sa kawayan dahil sa kakulangan nito.
Kabilang sa mga nagsidalo sa pagpupulong sina COP Supt. Joel C.Pernito, Kon. Arsenio Escudero, City Assessor Celerino Barcenas, Atty. Lat, Bobby Chan, Nilo Tirones, dating RTC Judge Bienvenido Reyes, Lerma Prudente, Gene Orence ng 202 BDE, Donna Eseo, mga pangulo at miyembro ng Farm-C sa pitong lawa at iba pang stakeholder na umaasa’t nabubuhay sa biyaya ng lawa. (NANI CORTEZ/Pres. Seven Lakes Press Corps)
Friday, November 21, 2008
LURAY NA ANG LAWA KO
Isa sa mga kinagigiliwan ng may-akda ay ang pagbalik-balikan sa alaala ang anyo ng Lawa ng Sampalok noong likas pa ang kanyang ganda, natural sa kung paano nalikha ng Poong Maykapal at ligtas pa sa kapangahasan ng tao. Ang kanyang kaanyuan na may malinis na tubig ay kasiya-siyang pagmasdan, lalo pa’t sa kalagitnaan ng lawa ay hihihip ang hanging amihan na marahang pinahahalik ang kanyang munting alon sa damuhan ng kanyang baybayin.
Sa malayo kung umuulan ay kaiga-igayang panoorin ang bawat butil ng tubig buhat sa alapaap, na parang sabik sa kanyang pagbabalik makaraang dalahin sa itaas sa pamamagitan ng alinsangan. Ramdam ng bawat nakakakita ang pagniniig ng ulan at malinis na tubig ng lawa.
Sa katag-arawan, ang tubig ng Lawang Sampalok ay animo’y kristal na ipinababanaag ang buhangin na kanyang nalililiman. Parang ipinasusukat ang kanyang lalim. Ito ang silbing anyaya sa akin at kapwa batang kalaro na parang himok ng kasiguruhan na ligtas at walang panganib na lumangoy at maligo.
Dahil sa angking ganda ng Sampalok lake ay hinandugan siya ng tao ng Hagdang Bato upang mas maraming makapunta at mamasdan ng malapitan. Ikinalugod ito ng lawa dahil naragdagan ang kanyang kaulayaw. Nagdugtong ito sa kanyang alamat kung kaya’t naging simbolo ang hagdanan ng Lunsod ng San Pablo.
Mas natuwa ang lawa ng ligiran ng daan ang kanyang baybayin. Siya’y naging bukambibig sapagkat lumitaw ang kanyang kariktan, naging pasyalan bawat oras, dinayo at naging libangan hanggang mapansin ng mga tampalasan. Siya’y inalila, inabuso at kinasangkapan sa hanapbuhay. Pinilit niyang makaganap ngunit may hangganan ang lahat.
Ngayong luray na ang aking Lawang Sampalok, tao kailan ka titigil? (SANDY BELARMINO/Baybayin ng Lawang Sampalok, Barangay V-A, Lunsod ng San Pablo)
Wednesday, November 19, 2008
SANA'Y IKAW NA NGA
AT KABABALAGHAN, SA ATING PANINGIN
MGA PANGYAYARING, DI SUKAT ISIPIN
NGUNIT NAGAGANAP, HINDI MAN GUSTUHIN
NOON AY WINIKA, NG PAHAM AT PANTAS
ANG NGALANG “MAREA”, GAGAWA NG LANDAS
PAMUMUNUAN DAW, SOBERENYA’T BATAS
BILANG PRESIDENTE, NITONG PILIPINAS
ANG UNA’Y SI MARCOS, SUNOD SI AQUINO
RAMOS AT ESTRADA, NGAYO’Y SI ARROYO
HINDI NAGKAMALI, ANG HUMULA NITO
SADYANG NAGANAP NA, ANG LAHAT NG ITO
SAPAGKAT TAPOS NA, ANG NAUNANG LIMA
NA SIYANG KABUUAN, TITIK NA “MAREA”
MAY BAGO NG HULA, SA BAGONG PAG-ASA
JESUS…JOSE… MARIA.., NGALANG PINAG-ISA
AT ITO’Y “JEJOMAR”, NA KANYANG PANGALAN
PUSONG MAKATAO, AT GINTONG ISIPAN
SUBOK NA MATATAG, SA PANININDIGAN
SA PAGKAKAISA, AT PANG-KAUNLARAN
MGA KAHIRAPAN, AY KANYANG TINIIS
SA WASTONG LANDASIN, AY DI NAPALIHIS
NAGSIKAP TUMAYO, NA KANAIS-NAIS
UPANG MAGING LIDER, NA PUSO’Y MALINIS
NGAYO’Y KILALA NA, ANG KANYANG PANGALAN
PANG-APAT SA MUNDONG, “ALKALDE NG BAYAN”
AT SA BUONG ASYA, SIYA ANG NAMBER WAN
ANG MAKATI CITY, LIPOS KAUNLARAN
ANG LUNSOD NA ITO, ANG BUSINESS CAPITAL
NITONG PILIPINAS, BANSA NATING MAHAL
BILANG PILIPINO, LIGAYA NA’T DANGAL
DISIPLINA RITO, PINA-IIRAL
SANA’Y IKAW NA NGA, O, JEJOMAR BINAY
ANG MAGING PANGULONG, AMING KAAGAPAY
BANSANG PILIPINAS, SAYO’Y NAGHIHINTAY
DIYOS ANG BAHALA, SA IYONG TAGUMPAY
(tula ni Romy "Palasig" Evangelista, Laguna Courier)
GBI SPC CHAPTER NEW SET OF OFFICERS
Saturday, November 15, 2008
13th MONTH PAY
PISTODPILA WALANG LEGAL NA PERSONALIDAD
KUMUSTA NA PO MA LARRY?
Thursday, November 13, 2008
PROBLEMA SA CHEMICAL WASTE, LUTAS NA
Ang kautusan ng Pollution Adjudication Board (PAB) ng DENR ay nag-aatas sa mga kompanyang nagtambak ng mga naturang chemical at toxic waste sa compound ng ipinasarang Clean Earth Solution International (CESI) sa Barangay Balanga lunsod na ito na ito’y malipat sa ibang processing plant para sa kaukulang treatment.
Magugunitang umani ng batikos ang PAB buhat sa iba’t-ibang sektor bago ang naturang pagpapasya kung kaya’t umaksyon ng mabilisan si DENR Sec. Lito Atienza upang magkaroon ng agarang kalutasan.
Sabay na nag-akda ng resolusyon ang mga kagawad ng Sangguniang Panlunsod ng San Pablo at si 3rd Dist. Board Member Reynaldo Paras para naman sa Sangguniang Panlalawigan na humiling sa kalihim ng agarang aksyon sanhi ng pangambang baka ito makapinsala sa kalusugan ng mga mamamayan.
Ayon kay PENRO Isidro Mercado ay matatapos ang paghakot ng 900 toneladang kemikal waste sa susunod na buwan kung saan ay sisimulan na nila ang rehabilitasyon ng naturang lugar.(NANI CORTEZ)
Sunday, November 9, 2008
PISTODPILA/PETITIONERS, NO LEGAL PERSONALITY (Accreditation having been revoked by operation of law)
Fernandez initially raised the issue that respondent Kaisahan ng Mga Samahan ng Magtatraysikel sa Lunsod ng San Pablo (KASAMA-LSP Inc.) did not hold election of officers at the same time he questioned the propriety of the accreditation granted by the August Body to the respondent. He also questioned the appearance of Mr. Perfecto a.ka. “Talbos Tubo” Marcelo in the hearing contending that he (Marcelo) is not the President of KASAMA-LSP.
Marcelo produced a document signed by all the officers and notarized by Atty. Esperidion L. Gajitos to prove his legal capacity to represent KASAMA-LSP. The document was read by Councilor Amante for the information and guidance of everybody then allowed Marcelo to speak in behalf of the respondent.
It was alleged that Fernandez has “no legal capacity” to file the petition much more to represent the PISTODPILA considering that up to the present time, all the records of the organizations is still in the name of Cesar Agno. “Si Mr. Hermis Fernandez ay walang legal personality dito”, said Marcelo.
He also pointed out that the accreditation of PISTODPILA at the Securities & Exchange Commission (SEC) and at the Sangguniang Panlunsod had long been deemed revoked by operation of law considering that the same was never renewed since December 1, 2005. These statements of Marcelo were not controverted by the petitioners.
When asked about the issue raised by Fernandez, after the hearing, Marcelo said: “we will file the proper pleading in due time just to comply with the request of Councilor Amante but I am confident that the petition of Fernandez, ET. Al., will not prosper”. (mbe/seven lakes press corps)
Saturday, November 8, 2008
BENDISYON NG LUNSOD, MAHALAGA SA MGA PRESIDENTIABLE
Kapwa opisyal ang kanilang biyahe pagtungo sa atin ngunit bilang sentro ng mga mamamayang nagtataglay ng malayang kaisipan ay tila humihingi sina Binay at Villar ng bendisyon buhat sa mga San Pableño sa kanilang susuunging larangan. Ang dalawa ay kapwa malapit sa damdamin ni Pangulong Erap, si Binay ay kaylan ma’y hindi umalis sa tabi ng dating pangulo sa kabila ng pang-uusig na siya’y personal na maigupo, samantalang si Villar ay minanok ni Erap bilang senate president.
Masusi nang pinag-aaralan ng mga San Pableño kung sino sa dalawa ang ipangtatapat sa kandidato ng administrasyon sa 2010 presidential election. Sino at kanino kayo papanig? (SANDY BELARMINO)
DILG-LIGA NG MGA BARANGAY SEMINAR-WORKSHOP
Ang taunang seminar-workshop ay isinasagawa upang higit na matutunan ng mga barangay official ang local governance. Ito ay kadalasang ginagawa sa labas ng lunsod ngunit upang makatugon sa hinihingi ng panahon na dala ng economic crisis na dinaranas ng daigdig ay nag-isip ang pamunuan ng liga na dito na ganapin upang makatipid.
Hindi lamang katipiran ang natamo nito buhat sa pondo ng mga barangay, manapa’y napatunayang mas higit itong epektibo sapagkat halos 100% ng mga barangay official ang nakadalo sa dalawang buwang pagpupulong na ginaganap tuwing Sabado at Linggo. Bukod ditto ay nagagampanan pa ng mga chairmen ang kanilang tungkulin dahil sa nakauuwi sila sa kani-kanilang mga barangay tuwing hapon, at anumang oras ay laging on-call sa mga hindi inaasahang aberya sa kanilang mga barangay.
Ilan lamang ito sa mga pakinabang ng mga barangay na natamo na ayon kay ABC President Gener B. Amante ay naging bonus bukod pa sa kanilang natutunan sa naturang Seminar-Workshop ng DILG. Binabati natin ang DILG at ang Liga ng mga Barangay sa kanilang gawain sapagkat ang halagang kanilang natipid ay mailalaan ng mga barangay sa iba pang pangangailangan na dulot ng dinaranas nating economic crisis. (SANDY BELARMINO)
Friday, November 7, 2008
Thursday, November 6, 2008
WELCOME SENIOR CITIZEN MAYOR VIC AMANTE
Sunday, November 2, 2008
PRIDE OF SPCSHS
Saturday, November 1, 2008
TOLENTINO AT BELARMINO NG SPCSHS, NAMAYANI SA DEPED RSEC
Sa temang GLOBAL PROTECTION AND CONSERVATION FOR MOTHER EARTH (Ingatan si Inang Kalikasan para sa masaganang kabuhayan ngayon at sa kinabukasan) ay napagwagian ni Geri Mae A. Tolentino ang unang karangalan sa English Essay Writing Contest, samantalang si Sandy Marie D. Belarmino naman ang nakakuha ng ikalawang karangalan sa Filipino essay writing.
Nagbuhat sa mga lalawigan at lunsod ng Region 4A (CALABARZON) ang mga mag-aaral na nagsilahok sa naturang timpalak paligsahan sa pagsulat ng sanaysay at tanging ang Lunsod ng San Pablo ang mayroon pinakamaliit na delegasyon ikumpara sa mahigit na isang daang kalahok ng iba’t-ibang lalawigan at lunsod ng rehiyon.
Naunang napanalunan nina Tolentino at Belarmino ang unang karangalan sa essay writing contest ng San Pablo City Division of Public and Private Schools noong nakaraang Oktubre 15, 2008 kung kaya’t ang nabanggit na mga 4th year student ng San Pablo City Science High School ang awtomatikong naging opisyal na kalahok sa tatlong araw na RSEC (Oct. 29-31) na itinataguyod ng DepEd Region 4A.
Lubos ang naging kasiyahan ni San Pablo City Mayor Vicente B. Amante ng makarating sa kanya ang balitang pagkapanalo ng mga mag-aaral ng SPCSHS: “Ito na marahil ang pinaka-magandang regalong natanggap para sa aking kaarawan nitong nakaraang Oktubre 27. Namumunga na ang bisyon at misyon ng ating lokal na pamahalaan sapagkat ng ipinatayo ng inyong lingkod ang SPCSHS ay nakatuon lang ito para sa pagpapalawak ng karunungan sa agham at makabagong teknolohiya subalit pati ang pagsibol ng magagaling na manunulat ay dito rin pala magmumula” wika ni Amante.
Si Bb. Helen A. Ramos (Education Supervisor I of Secondary Science) ang Officer-In-Charge ng SPCSHS samantalang ang tumatayong mga coach/trainor sa nagwaging sina Tolentino at Belarmino ay si Bb. Venus B. Endozo at Rosette P. Hernandez. (RAMIL BUISER/spc-cio)
Friday, October 31, 2008
KASIGLAHAN TODO BIGAY
Kapansin-pansin ang nakagugulat na ipinakitang kakayanan ng bawat contestant sa timpalak awitan ng Original Pilipino Music (OPM) ng mga kalahok na hindi mo aakalaing sila ay amateur kundi mga professional singers na. Malaki ika nga ang ipinagbago sapul nang simulan ni Pangulong Gener ang proyekto, sa paglitaw ng maraming mahuhusay na talents buhat sa mga barangay.
Ito naman talaga ang nilalayon ni Pangulo kung kaya’t nalikha niya ang konsepto, apat na taon na ang nakararaan, sa kapakanan ng mga hidden talents sa bawat sulok ng lunsod, na talaga namang pinaglalaanan niya ng pagsasakripisyo bawat taon upang maitaguyod lamang. Wika nya’y tatlo o apat na buwang sweldo ang kanyang inilalaan kada taon upang ito ay maisulong.
Ikinatuwa ni Pangulong Gene rang husay ng bawat talent na sa elimination pa lang ay nahirapan na ang mga hurado sa pagpili ng mga papasok sa qualifying round. At sa mga hindi pinalad, sa maniwala kayo’t sa hindi, ay sila pa ang unang nakapag-uwi ng kanilang premyo.
May pangako si ABC President na sa susunod na taon daw kung loloobin ng Poong Maykapal ay mas higit na Kasiglahan Todo Bigay ang ihahandog ng Liga ng mga Barangay.(SANDY BELARMINO)
MGA OCTOBERIAN SA BJMP DISTRICT JAIL
Wala pong eskwelahan sa loob ng maliit na compound ng BJMP sapagkat ang mga mag-aaral na nagsipagtapos ay ang mga inmates na binigyan pagkakataong makapag-aral sa loob mismo ng piitan sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) kada Sabado at Linggo. Recognized po ito ng DepEd, katunayan ay isa sa mga nakapagtapos ay personal na kinausap ni Sec. Jesli Lapuz.
Proyekto ito nina City Warden Arvin Abastillas, BJMP Jail Administrator J/Supt Randel Latoza, BJMP Regional Director Norvel Mingoa at BJMP Director General Dial sa pakikipagtulungan ng ALS, DepEd at ng Tanggapan ni City Administrator Loreto “Amben” Amante. (SANDY BELARMINO)
Thursday, October 30, 2008
SAN PABLO AND MAKATI CITY SISTERHOOD
KASIGLAHAN TODO BIGAY YEAR 4
Wednesday, October 29, 2008
ALS GRADUATES NG BJMP KINILALA NG DEPED
Sa temang Edukasyon, Susi sa Pagbabagong Buhay, ang mga bilanggong nagsipagtapos ay sinanay ng BJMP Region 4A sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng DepEd kung saan pito ang naka-kumpleto ng leksyon sa elementarya samantalang 32 ang nakatapos ng sekondaryang edukasyon.
Ayon kay District Jail Warden J/S Insp. Arvin Abastillas ay isinagawa ang pagtuturo sa mga araw ng Sabado at Linggo ng mga ALS mobile teacher na sina Marita Sanchez, Mirasol Balagtas at Catalino Pornobi, Jr..
Isa sa mga nagsipagtapos, si Michael Peralta ang pinahintulutan ni BJMP Provincial Supervisor J/Supt. Randell Latoza na makatungo sa tanggapan ni DepEd Secretary Jesli Lapuz para sa simbolikong pagkilala.
Si City Administrator Amben Amante ang panauhing pandangal sa isinagawang graduation rites sa compound ng naturang piitan na sinaksihan nina Division of City School Superintendent Dr. Formintilla at Dr. Miguela Marasigan ng ALS.
Kaalinsabay nito ay napagkalooban din ng katunayan ng kasanayan sa kursong reflexology ang 42 inmates na kanilang magagamit sa paghahanapbuhay sa panahon ng paglaya. Ang programa ay isinusulong ng BJMP 4A sa ilalim ni J/S Supt. Norvel Mingoa sa tagabulin ni BJMP Director General Dial. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)
Saturday, October 25, 2008
HAPPY BIRTHDAY MAYOR
Ngayong araw na ito, Oktubre 27, ay payak na ipagdiriwang sa City Hall Compound ang araw ng pagsilang ni Mayor Vicente B. Amante, kung saan inaasahang dudumugin ng maraming San Pableño at mga well-wishers upang siya ay mabati.
Saturday, October 18, 2008
49 ANYOS LAMANG
Massive ang idaraos na medical mission na kung baga ay masisipag na ang mga taga City Health Office ay pag-iibayuhin pa nila ang kasipagan sa linggong ito. Ang feeding program ng City Population Office ay ganoon din ang gagawin sa bawat barangay ng San Pablo.
May nakahanda na ring mga gawain ang City Social Welfare and Development Office mula bukas na magpapatuloy hanggang sa kabilang linggo, busy ang lahat ng departamento sa isasagawang kasalang bayan sa Oktubre 23 at malaking Jobs Fair kinabukasan Oktubre 24. Ang lahat ay nakasisigurong magiging abala sa mga petsang nabanggit.
Kinagabihan ng Biyernes ay matutunghayan ng mga San Pableño ang pinanabikang Kasiglahan Todo Bigay na programa ng Liga ng mga Barangay sa kagandahang loob ni ABC President Gener B. Amante at sa pakikipagtulungan ng Seven Lakes Press Corps. Ito ay tatlong gabing paligsahan sa pag-awit mula Oct. 24 hanggang Oct. 26 araw ng Linggo.
Naglalakihan ang premyong naghihintay sa mga magwawagi sa dalawang kategorya na 15 years old below at 16 years old above. Lahat ng ito ay handog sa kaarawan ng ama ng lunsod na si Mayor Vicente B. Amante sa araw ng Lunes Oktubre 27.
Hindi naman pahuhuli ang ating mga senior citizens sapagkat tila ba ay ngayon pa lang ay nagkakasiyahan na parang bukod sa birthday ng alkalde ay may iba pang ipinagdiriwang. Walang humpay ang gagawin nilang sayawan bilang handog pagpapasaya.
May naulinigan ang pitak na ito na kaya aktibo ang mga senior citizens at masayang-masaya ay diumano’y dahil bilang welcome party sa punong lunsod sa kanilang samahan, na ito nama’y mahigpit na tinututulan ni Kagawad Kawad sapagkat si MAYOR VIC AMANTE ay 49 ANYOS LAMANG!!! (Sandy Belarmino)
MGA KOOPERATIBA NG SPC, LALAHOK SA 1ST LAGUNA BUSINESS & INVESTMENT EXPO 2008
Thursday, October 16, 2008
SPCPS. KINILALA NG OCD
Sa seremonyang ginanap dito noong Biyernes ay ipinagkaloob nina OCC Regional Director Vicente E. Tomazar at PRO 4A Chief Supt. Ricardo Padilla bilang Regional Director Coordinating Council (RDCC) Chairman, ang special citation kay SPCPS Chief of Police P/Supt. Joel C. Pernito tanda ng pagpapahalaga sa naturang unit ng pulisya.
Kinilala rin si Atty. Marius Zabat bilang chairman ng City Disaster Coordinating Council (CDCC) ng nasabing lunsod.
Magugunitang mahusay na napangasiwaan ng SPCPS ang epekto ng pagkabagsak ng isang helicopter sa lunsod nang nakaraang taon, naiwasan na may masawi at ang sakuna ay hindi na nakalikha ng sunod, ganoon din ng pagsabog na karaniwang kaakibat ng isang plane crash.
Nitong kasagsagan ng Bagyong Milenyo ay sinuong ng kapulisan ang panganib sa pagtungo sa mga barangay upang umalalay at tumulong sa taumbayan bagama’t ang kanilang himpilan ay isa sa mga nagtamo ng malaking pinsala.
Sa kanyang acceptance speech ay pinasalamatan ni COP Pernito si City Mayor Vicente B. Amante sa suportang ibinibigay sa kapulisan ng lunsod na aniya’y sinusuklian lamang nila ng angkop na paglilingkod sa mga mamamayan. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)
Saturday, October 11, 2008
KASIGLAHAN TODO BIGAY YR. 4, AARANKADA NA
Bukas sa lahat ng taal na residente ng bawat barangay ng lunsod, ang pagtuklas sa natatagong talino sa larangan ng pag-awit ay nahahati sa dalawang kategorya batay sa edad ng kalahok, ang under 15 years old at over 16 years old.
Araw-araw ang gagawing audition sa tanggapan ni ABC President Gener B. Amante, 5th Floor ng
Ayon kay Fiscal Florante “Ante” Gonzales, over-all coordinator ng Kasiglahan Todo Bigay ay may malaking gantimpalang naghihintay sa mga magwawagi, P10,000 sa first prize samantalang P5,000, P3,000, P2,000 at P1,000 sa second, third, fourth at fifth prizes sang-ayon sa pagkakasunod-sunod.
Ang kasayahang ito ay itinataguyod ng Liga ng mga Barangay sa pakikipag-tulungan ng Seven Lakes Press Corps bilang pakikiisa at handog sa mga programa at proyekto ni Mayor Vicente B. Amante at sa kanyang nalalapit na kaarawan sa Oktubre 27.
Pinaaalalahanan ang mga nais lumahok na magdala ng kanilang sariling tagalog CD sa panahon ng audition.(RAMIL BUISER)
Tuesday, October 7, 2008
MGA NAKATATANDANG MAMAMAYAN NG SAN PABLO, PINAKA-AKTIBO SA BUONG BANSA
Humigit kumulang sa 500 miyembro at opisyales ng samahan ng mga nakatatanda (PAMANA) ang dumalo sa naturang programa upang patuloy na ipakita at ipadama sa pamunuan ni Amante na ang grupo nila ay hindi magsasawang maging bahagi ng bawat programa at proyektong isinusulong ng lokal na pamahalaan.
“Sa aking nasaksihan sa nakalipas na halos labing-apat na taong panunungkulan bilang punong lunsod ay maituturing kong ang mga senior citizens ng San Pablo ang pinaka-aktibo sa buong bansang Pilipinas. Nakita at nadama ko ang kanilang pagmamahal at pakikiisa sa bawat proyekto at programang isinagawa ng aking administrasyon” ayon kay Amante.
Gaya ng nakasanayan kada araw ng Lunes, ay pinangunahan nina PAMANA President Bening Esquivil at OSCA Head Larry Cornista ang mga nakatatandang mamayan ng lunsod upang ipagdiwang ang Senior Citizens’ Week na itinadhana ng batas upang ipagbunyi at parangalan ang bawa’t 60 anyos pataas na mamamayan ng bansa.
“Hindi magbabago at hindi makakalimot si Mayor Vic Amante at ang ating lokal na pamahalaan sa ginuntuang tulong ng mga senior citizens. Higit pa nating pag-iibayuhin ang paglalaan ng mga programa at proyekto para sa kapakinabangan ng ating mga mahal na nakatatandang mamamayan bilang sukli sa kanilang taos-pusong pag-gabay sa ating pamunuan” pagtatapos ni Amante. (RAMIL BUISER/GERRY FLORES/cio)
AMBEN S. AMANTE CAMPUS JOURNALISM LECTURES
Sa tulong ni City Administrator Loreto “Amben” Amante ay nagabayan ang mga kabataang ito sa wastong pakikipagtalastasan partikular sa praktikal na pagsulat ng mga lathalain na kakailanganin ng mga mag-aaral habang sumusuong sa papataas na lebel ng kanilang pagtuklas ng karunungan.
Naniniwala ang pitak na ito na ang kaalamang natamo ng mga kabataang ito ay magiging kapaki-pakinabang hanggang sila ay maging mga propesyunal sapagka anuman ang kanilang kaharaping larangan ay palaging kaakibat ang aspeto ng komunikasyon.
Ang lecture series ay tumatalakay ng mga kaparaanan sa wastong pagsulat ng mga artikulong komposisyon na karaniwan nating nababasa sa mga pahayagan, na talagang dinisenyo upang mas madaling maunawaan at matutunan.
Sinasaklaw nito ang kabiguan ng maraming aklat na pahaphaw lamang na tumatalakay sa pag-akda ng isang komposisyon na madalas kaysa hindi ay naglalaman lang ng kung ano ang dipinisyon ng isang panulat. Wika nga’y the AMBEN’S AMANTE LECTURE SERIES not only tells you what and why but it also shows you how to write any form of composition.
Ito ang unang pagtataguyod ni City admin at sa mga susunod pang mga panahon ay umaasa tayo na higit pa itong lalawak upang mas marami pang kabataan ang matutulungan.
Ang proyektong ito ay naisakatuparan ng Heral Group of Publications at Seven Lakes Press Corps at ilang kaibigang naniniwala sa isinusulong ng pitak na ito.
Ngayon pa lang ay marami na tayong nakikitang mga positibong resulta na dala ng munting kursong ito. Ang mga bagay na ito ay nakapagbibigay inspirasyon sa atin upang patuloy na magsaliksik nang sa ganoon ay higit itong mapagbuti, sa kapakinabangan nng ating mga kabataan.(NANI CORTEZ)
Sunday, October 5, 2008
FATHER'S ROLE IN THE FAMILY, DISCUSSED IN ESSAY WRITING CONTEST
San Pablo City - Sandy Marie B. Belarmino, a fourth year student at the San Pablo City Science High School emerged as the first place winner in the essay writing contest coordinated by the City Population Office to help celebrate this year National Family Week. The theme is “Fathers and Families. Responsibilities and Challenges, Maabilidad si Dad.” She received a token cash reward of P2,000 provided by Mayor Vicente B. Amante.
Other winners are Peejeh P. Sahagun of Laguna College, second plance and received P1,500-cash reward, and Eric Mae M. Batralo of Santo Angel National High School, third place and received P1,000-cash reward.
The contest was participated by 12 fourth high school students representing 12 institutions providing secondary education in the City of San Pablo.
City Administrator Loreto S. Amante said they opted to sponsor an essay writing contest, because Mayor Vicente B. Amante believes that essay writing contest is a good medium to train the capability to express the feeling and sentiments of the young high school students on any particular subject or theme. It will also help enhance exemplary adherence towards English proficiency, to help achieve the dreams of many to be globally competitive as workers in communication industry, as well as in cultural inter-actions.
Just like the poster-making contest, which is a form of visual arts, Amante hope that the essay writing contest had helped encourage the youth in uplifting their proficiency level in communication arts, that would help them prepares to meet the rigors of college and the academic demands specific to the program to which they intend to purse higher education. (CIO/Pedrito D. Bigueras)
VILLAFLOR, TANINGCO AT EXCONDE 2008 HUWARANG AMA
Ang tatlong amang nabanggit ay nahirang mula sa 13 finalists na binubuo nina Rodelo Gapaz ng Brgy. Concepcion, Alexander Baldovino ng Brgy. San Buenaventura, Apolinario Malabanan ng Brgy. Sta. Ma. Magdalena, Crisanto Belen, Sebastian Areglado at Elpidio Siangko ng Brgy. San Mateo, Elpidio Magtibay ng Brgy. San Vicente, Rigoberto Gandia Sr. at Wilfredo Guia ng Brgy. Concepcio at Juanito Alidio ng Brgy. II-C.
Tumanggap ng cash prizes ang mga nagwagi ng P2,000, P1,500 at P1,000 mula sa Lokal na Pamahalaan.
Ang paghirang ay ibinatay sa mga criteria na Dakilang Ama (40%) na may mabuting puso at tapat sa asawa, walang ibang kinakasama, matiyaga at may matatag na hanapbuhay, kahit di nakatapos sa mataas na paaralan, hindi sugarol at lasenggo at di naging hadlang ang kahirapan upang mapaaral ang mga anak; Samahang Mag-anak (40%) na may maayos na relasyon sa asawa at anak at ibang kasambahay, maka-Diyos, anak ay di nasangkot sa anumang kaguluhan sa komunidad, nakatapos ng kurso ang mga anak at may sapat na panahon sa pamilya; at may pakikiisa sa komunidad (2%) na di naging problema sa komunidad, miyembro ng samahan, handang tumulong/dumamay sa kapwa at humigit kumulang na 10 taon ng naninirahan sa kanilang barangay. (CIO/SPC)
.
SPCSHS NUMBER ONE
Masasabing bata pa sa kanyang ika-4 na taong pagkakatatag nang makalipas na buwan ay naipamalas na ng SPCSHS ang dapat patunayan. Nagbunga na ang pagsisikap ng mga guro at tagapangasiwa ng paaralang ito, ganoon din ng mga mag-aaral sapagkat sa kabila ng murang gulang ay nalampasan nila ang lahat ng higit sa inaasahan.
Bilang pandayan ng mataas na kaisipan ay naiagapay ng SPCSHS na maihanay ang kanyang pangalan hindi lamang dito sa San Pablo manapa’y sa kabuuan ng Timog Katagalugan at maging sa buong bansa. Nagkaroon ito ng sariling puwang sa kalipunan ng mga institusyong pangkarunungan.
Hindi pa man umaabot sa kalaghatian ng school year ay sari-sari ng karangalan ang nakamit ng SPCSHS. Kinilala ang paaralang ito bilang isa sa mga nangunguna sa larangan ng aptitude test sa buong Calabarzon, na nangangahulugan lamang na naaayon sa wastong tadhanain ang pamamaraan ng kanyang pagpapalaganap ng karunungan.
Ang pangyayaring ito ay isang malaking hamon sa lahat, mula sa kanyang mga faculty, sa mga mag-aaral lalo’t higit ay sa kanilang mga magulang, sapagkat mas higit na madali ang pagtahak ng landas ng pagka-dakila ayon sa kasabihan. Ang mahirap ay ang pagpapanatili sa pagiging dakila ayon pa rin sa naturang kasabihan.
Ano pa’t kung may hamon, asahan nating kasunod nito’y ang mga pananagutan. Ito ang dapat banghayin. Sa tagapangasiwa at mga guro ng SPCSHS ay wala tayong mahihiling pa sapagka’t saksi tayo sa kanilang walang hangganang pagsisikap upang matanghal ang naturang paaralan sa hanay ng mga kinikilala at iginagalang.
Sa mga mag-aaral, ang hamon ay payak lang – ang tugunin ang pagsisikap ng kanilang paaralan, at sa mga magulang ay ibayo pang pang-unawa. Tandaan sana ng lahat na sa pagpapakasakit lang matutunton ang tunay na landasin tungo sa adhikaing maging Number One ang SPCSHS. (sandy belarmino)